Kung hindi sana niya hinabol ang papaalis na tren, malamang ay wala pa siya sa party ng inaanak niya kay Jesse. Kung hindi sana niya minadali ang pagbili ng regalo na dadalhin, malamang ay wala pa siya sa party. Kung hindi niya sana pinigilan ang sarili na pumasok sa 7-eleven para bumili ng softdrinks, malamang ay wala pa siya sa party.
Nang mga sandaling ‘yon, pinagsisisihan ni Hokuto kung bakit siya sumakay ng pedicab para makarating sa clubhouse kung saan ginaganap ang party. Kung hindi sana maalinsangan, nilakad na lang sana niya dahil ilang kanto lang naman ang layo mula sa Gate 3.
Kung tiniis niya na lang sana ang init, hindi sana siya dumating sa clubhouse kung saan ongoing ang party games. Hindi sana siya nahila ni Shintaro para makilahok sa naturang palaro. Hindi sana niya kapartner sa pesteng paper dance ang taong minsang bumago ng buhay niya.
Alam naman niya na malaki ang posibilidad na magkita sila ngayon, pero hindi ibig sabihin non ay gusto na niyang mangyari ‘yon. Sa totoo lang, hindi alam ni Hokuto kung ano ang mararamdaman niya kapag nandoon na siya sa sitwasyon na ‘yon. Wala siyang balak alamin pa.
Kasi para sa kanya, okay na siya. Nakakatulog na siyang muli gabi-gabi nang hindi umiiyak. Gusto na niyang muli ang mga paboritong pagkain. Nakakalabas na siyang muli kasama ang ibang mga kaibigan. Okay na siya. Nakabalik na siya sa dating siya. ‘Yung ngumigiti ng totoo, ‘yung nakakatawa, ‘yung puno ng buhay.
Matagal binuo ni Hokuto ang sarili. Kaya hangga’t maaari, hangga’t kaya niyang kontrolin ang sitwasyon, hangga’t kaya niyang pumili, hindi siya papasok sa sitwasyon na maaaring sumira sa puso niyang kabubuo lang muli.
Pero bakit ganon?
Pagpasok pa lang niya ng clubhouse ay hinanap agad ng mga mata niya ang taong ‘yon? Na para bang hindi ito nagbuhos ng maraming luha dahil sa sakit na dulot ng taong ‘yon? Bakit kumakabog pa rin ang puso niya para sa taong ‘yon? Na para bang hindi ito nakaramdaman ng sakit dulot ng taong ‘yon? Bakit tila buong pagkatao niya ay hinahanap-hanap pa rin ang taong nanakit sa kanya?
Wala na halos marinig si Hokuto. Lahat ng tunog–malakas na musika, masiglang pananalita ng host, sigawan ng mga bata, unti-unti ay naglaho at ang tanging nakikita, naririnig, at nararamdaman ng buong katawan niya ay ang taong paulit-ulit na nanakit sa puso niyang tanging pagmamahal lang ang ginawa.
“Huy, kamusta ka na?” masiglang tanong nito. May kasabay pang marahang pagsuntok sa braso niya.
“Ayos lang,” walang gana niyang sagot.
“May iku-kwento pala ako sa’yo,” pagpapatuloy nito. Hinila siya palapit, para pareho silang umapak sa dyaryo sa sahig. “Alam mo bang nanganak si Anzu? Tatlo!”
Alam ko , gusto niyang isagot. Pero naisip niya, hindi naman nito kailangan pang malaman na minsan niyang binisita ang online profile nito, hindi rin niya kasi alam kung bakit niya ‘yon ginawa. Kung bakit kailangan niyang alamin kung ano na ang lagay nito, gayong ito ang dahilan kung bakit hindi mawala-wala ang sakit sa puso niya noong mga nakaraang buwan.
“Iniisip ko pa kung ipapamigay ko ba ‘yung mga anak niya or iki-keep ko na lang para happy family. Ang cute nilang lahat!” dagdag pa nito.
Bakit kung kausapin siya nito ay parang walang natapos sa kanila?
“Dalawang babae, isang lalaki. Three-month old na sila ngayon. Tapos si Anzu, ayaw na magpadede. Siguro kasi may ngipin na ‘yung mga tuta,” tuloy-tuloy lang ito sa pagkukwento. Tuloy-tuloy lang din ang pagliit ng dyaryo. Tuloy-tuloy lang din ang pagliit ng espasyo sa pagitan nilang dalawa.
“Apat sana sila, kaso namatay ‘yung isa. Lahat sila lumaki, siya lang hindi. Fading puppy daw, sabi ni Shin. Swerte din natin, may vet tayong kaibigan ‘no–oh shit!”Kamuntikan na itong mawalan ng balanse at matumba dahil sa pagliit ng dyaryo, mabuti maliksi ang reflexes nila.
Bakit kaya ganun?
Bakit otomatikong pumulupot ang braso niya sa bewang nito para alalayan ito? Bakit kabisado pa rin ng mga katawan nila ang isa’t isa? Bakit tila sabik ang pagkatao niya na mapalapit dito?
Bakit kung makipag-usap ito sa kanya ay para bang hindi nito dinurog ang puso niya? Bakit kung umakto ito ay tila ba masaya itong nakita siya? Bakit parang nalimot na nito na siya ang taong sinaktan nito?
…at bakit sa kabila ng lahat ng sakit at hirap na pinagdaanan niya para lang makabangon muli, tila gusto pa rin ng bawat himaymay ng katawan niya na yakapin at hagkan ito. Bakit sa kabila ng lahat, tila ito pa rin ang gusto ng buong pagkatao niya?
Bakit…parang pareho sila ng gusto? ‘
Nakakainsulto.
Nakakainsulto para sa dating siya na nagmahal, paulit-ulit na pinabayaan at nasaktan, at mag-isang naghilom.
Siguro hindi pa talaga siya magaling. Siguro hindi pa ito tuluyang nawala sa sistema niya. Siguro kailangan na niyang ilayo nang tuluyan ang sarili niya.
Dahan-dahan siyang humakbang palayo. Hindi lang sa taong ‘yon, pati na rin sa mga taong nagkokonekta sa kanilang dalawa.
Kailangan pa niya ng oras.
Kung naghintay lang sana siya ng limang minuto para sa susunod na tren, hindi sana kumikirot ulit ang puso niya.